Ang isang sako ng bigas noon ay nagkakahalaga ng 1000 piso subalit ngayon, ito’y 1400 piso na. Ang sardinas na dati’y siyam na piso lamang ay 13 piso na. Ang de-latang gatas mula sa 32 piso ay naging 36 piso na. Ang pan de sal na karaniwang tinapay tuwing almusal ay ‘di rin nagpahuli; mula sa isang piso ay doble na ang halaga.
Napapansin niyo ba ang laki ng agwat mula sa dati at kasalukuyang presyo ng mga bilihin? Kung pag-iisipan, hindi na ito kailangang itanong pa. Ang ordinaryong Juan dela Cruz ay tiyak na nakakaramdaman sa krisis na nagpapahirap sa buhay. Sa panahon ngayon, malaki ang ginagampanan ng pera sa bawat estado ng mamamayan. Ang patuloy na pag-ikot nito ang nagpapatakbo sa ekonomiya ng bansa. Pera ang maaaring maging daan kung gustong mapaginhawa ang bawat kalagayan. Sa kasamaang palad, hindi lahat ay mayroon nito. Kung mayroon man, ito’y hindi sapat upang matustusan ang bawat pangangailangan.
Ayon sa isang kasabihan, pera ang nagpapa-ikot sa mundo. Ang pamahalaan din ay lumilikom nito para sa pondo at sa katuparan ng mga proyektong pambansa. Nagmumula ang perang naiipon, pinapasahod sa mga empleyado, at pinapagawa ng mga imprastraktura mula sa mamamayan din mismo sa pamamagitan ng pagpapatong ng buwis.
Kasama ang umiiral na pagkolekta ng iba’t ibang uri ng buwis, napagpasyahan ng pamahalaan na ipatupad ang panukala sa pagtaas ng Value Added Tax (VAT) ng ilang porsiyento. Ito ay ipinangangalandakang magdadagdag sa "kaban ng bayan" na iginigiit naman ng ilan na solong pinakikinabangan ng rehimen at mga kaalyado nito. Ang panukala sa kabila ng masidhi at malawakang pagtutol ng mamamayan ay ipinatupad.
Ang VAT ay tumutukoy sa pagbuwis sa mga mamamayan bilang pangkalahatan, hindi lamang mahihirap, kundi ang karaniwang mamamayan, mahirap man o nasa panggitnang uri. Ang pag-iral nito ay nagkakaroon ng malaking epekto sa nakararami. Tumataas na ang presyo ng bilihin, gasolina, pamasahe, at iba pa. Sa kabila nito, patuloy pa ring tumatanggi ang rehimen na magpatupad ng makatarungang pagtaas sa sahod at sweldo.
Ang karagdagang buwis na idadagdag sa mga negosyante sa anyo ng mga hilaw na materyales ay madaling mababawi kapag naibenta na nila ang produkto. Sa sitwasyong ito, ang mahihirap, kapos at ang ordinaryo ang papasan sa patong-patong na karga dulot ng napakaraming buwis.
Hindi malunok ng ilang mamamayan ang mga panloloko ng rehimen. Ang depensa ng pamahalaan ay dapat diumano magpasalamat ang mamamayan sa pagsisikap ng kongreso na ilibre sa pagtataas ng presyo ang mga tinataguriang "pagkaing pangmahirap" tulad ng instant noodles, sardinas, toyo, patis, bagoong at mga de-lata. At kahit magtaas pa ang mga ito, ayon naman sa gabinete, barya-barya lamang diumano ang itataas ng mga presyo.
Kung susuriin ang lahat ng empleyado ng gobyerno, artista, opisyales, may-ari ng mga establisyimento, nag-eeksport at import, negosyante at iba pang nagbabayad ng buwis sa buong bansa, mapag-aalamang ‘di lahat ay sumusunod sa panukala ng pagbubuwis. May ilang nagsasagawa ng tax avoidance o tax evasion — ang pag-iwas sa nakatakdang buwis.
Kung ang bawat sentimo at barya na bumubuo sa papel na pera ay matapat lamang na binabayaran, marahil ay hindi na kailangang mangutang ang bansa mula sa World Bank. Magiging matagumpay lamang ang lahat kung magtutulungan ang pamahalaan at mamamayan. Ang bawat indibidwal ay makakaambag ng malaki kung ang bawat isa ay susunod sa mga patakaran at proyekto ng pamahalaan. Sa kabilang banda, ang pamahalaan ay magkakaroon ng maayos na ugnayan sa kanyang nasasakupan kung gagamitin ang kapangyarihan nito para sa ikabubuti ng lahat. Dapat iwasan ang pag-iisip ng paraan para sa ikakalamang ng sarili. Sa usaping ito, mahalagang gamitin ang kakayahan gaya ng tamang pamamahala sa pera at gamit nito upang makatamo ng ninanais na resulta. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang krisis na kinakaharap at dahan-dahang uunlad ang bansa.
Ang mamamayan, pamahalaan, at bansa ay maihahambing sa bawat hibla ng bahay ng gagamba. Ang konting problema o paggalaw lamang ng isang bahagi ay mararamdam ng lahat dahil ang bawat parte nito ay konektado. Sa maayos na pagganap ng bawat mahalagang parte, mapapatibay ang nasimulang koneksyon at nabuong estado — umihip man ang hangin o pumatak man ang ulan.
Ito ay base sa artikulo mula sa website na ito. http://www.pinasglobal.com/pilipinas/2011/02/evat-out-vast-in/